ANO ANG BREAST CANCER?
Ang breast cancer o kanser sa suso ay ang di pangkaraniwang pagtubo at paglalaganap ng mga selula sa suso na nagiging tyumor.
Ang kanser ay maaaring magsimula sa bahagi ng suso na pinagmumulan ng gatas, o di kaya’y sa dinadaluyan ng gatas patungo sa nipple o utong.
Kadalasan ang mga babae ang nagkakaroon ng breast cancer, ngunit maaari ding magkaka-kanser sa suso ang mga lalaki.
SINTOMAS NA DAPAT BIGYANG PANSIN
Paglubog ng balat sa suso
Kapansin-pansin o nakakapang buko o pangangapal sa suso
Baliktad o paurong na nipple
Dugo o nana sa nipple
Pagbabago ng kulay at pakiramdam ng balat ng suso
Pamamaga ng suso o mga kulani sa kilikili
Magpatingin sa klinika o ospital kung may mapansin kang alinman sa mga pagbabagong ito sa suso.
MAAARING SANHI NG PANGANIB
Wala pang katiyakan kung paano nagkakaroon ng kanser sa suso. Ang alam lang ng mga dalubhasa ay ang “risk factors” o maaaring sanhi ng panganib.
Ang mga posibleng sanhi ng panganib ay anumang bagay na maaaring magpataas ng pagkakataong magkaroon ng kanser sa suso.
Subalit ang pagkakaroon ng “risk factor” ay hindi nangangahulugan na ikaw ay magkaka-kanser. Sa kabilang dako, maraming babaeng nagkakaroon ng breast cancer na wala namang “risk factor.”
Ang mga risk factors o maaaring sanhi ng panganib:
Edad
Pagtanda
Family History
lalo na kung ang malalapit na kamag-anak ay nagkasakit nito, tulad ng nanay, anak, at kapatid na babae
Personal Medical History
kung nagkaroon na ng kanser
Maagang pagkakaroon ng regla bago dumating sa edad na 12 taong gulang
Matagal bago mag-menopos, higit sa edad na 55 taong gulang
Hindi pa nanganak o unang nagkaanak sa edad na 35 pataas
Kapag mabigat ang timbang
Pag-inom ng alak
Paninigarilyo
Matagal na paggamit ng Estrogen Replacement Therapy (ERT)
MGA ALITUNTUNIN PARA MAAGA MADISKUBRE
Salatin ang sariling suso kada buwan.
Maliban sa pagsalat ng sariling suso, magpatingin ng dibdib sa doktor o nakapagsanay na health worker kada taon.
Ipagpatuloy ang pagsalat sa sariling suso at pagpapatingin sa doktor at simulan ang taunang mammogram.
MAY LUNAS ANG BREAST CANCER LALO NA KAPAG MAAGANG NADISKUBRE
MALING AKALA AT KATOTOHANAN
Mga babae lang ang maaaring magkaroon ng kanser sa suso.
Isa sa bawat 100 kaso ng kanser sa suso ay nangyayari sa lalaki.
Kapag nabunggo, nasuntok, o natamaan ang suso ay puwedeng magkaroon ng kanser sa suso.
Ang bunggo, suntok o tama sa suso ay pwedeng magresulta sa pagkadiskubre ng bukol o kanser na dati nang nasa suso. Ang mga ito ay hindi sanhi ng bukol o kanser.
Kapag may kanser ka sa suso at nagpa-opera ka, kakalat lalo ang kanser.
Ang operasyon ay isang paraan para malaman kung may kanser ka, o matanggal ito sa iyong katawan.
HINDI nagdudulot ngpagkalat ng kanser ang operasyon.
HINDI nagdudulot ngpagkalat ng kanser ang operasyon.
Ang kanser sa suso ay nangyayari lang sa babaeng walang asawa.
Walang pinipili ang kanser sa suso.
Kapag wala kang family history ng kanser, hindi ka na magkakaroon ng kanser sa suso.
7 sa bawat 10 babaeng nagkaroon ng kanser sa suso ay walang family history ng kanser.
Ang paggamit ng deodorant o bra na may mahigpit na underwire ay sanhi ng kanser sa suso.
Sa mga pag-aaral, walang nakitang kinalaman ang deodorant o underwire bra sa pagkakaroon ng kanser sa suso.
Kapag nagpa-opera ka para magpalaki ng suso, puwede itong magdulot ng kanser.
Walang kinalaman ang operasyon sa pagpapalaki ng suso sa pagkakaroon ng kanser.
Nagagamot ang kanser sa suso ng herbal na gamot at dietary supplements.
Wala pang herbal na gamot o dietary supplement na napatunayang direktang nakakapatay sa cancer cells.
Nakakahawa ang kanser sa suso.
Maaaring manahin ang kanser sa suso pero hindi ito nakakahawa.
Mamamatay ka kapag may kanser ka sa suso.
May lunas ang kanser lalo na kung maagang nadiskubre.